Torre, mananatili sa puwesto habang iniimbestigahan ang sasakyan niyang dumaan sa EDSA busway— Artes
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Romando Artes nitong Huwebes, na mananatili sa kaniyang puwesto si MMDA general manager Nicolas Torre III sa kabila ng isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng isang sasakyang sinasabing pagmamay-ari niya na nahuling dumaan sa EDSA Busway.
Ayon kay Artes, may pag-amin na sa bahagi ni Torre na sa kaniya ang sasakyang nakita sa isang video na bumibiyahe sa busway.
“I think meron naman pong admission si GM Torre na kaniya po yung sasakyan na na-videohan na dumaan po sa busway. So, I cannot confirm kung sakay siya,” pahayag ni Artes sa isang press conference.
Hindi naman umano makaaapekto ang insidente sa pagpapatuloy ng trabaho ni Torre sa MMDA, ayon kay Artes.
“I think ito naman pong insidente na ito ay hindi makakaapekto sa patuloy na pagtatrabaho ng GM Torre. So wala naman pong suspension order na lumalabas against him at wala pa naman pong resolution ang investigation. So tuloy-tuloy lang ang kaniyang pagtatrabaho,” paliwanag ng opisyal.
Sinabi rin ni Artes na nakatanggap ang MMDA ng show-cause order mula sa Land Transportation Office (LTO) matapos lumitaw na ang plaka na nakakabit sa sasakyan ay nakarehistro pala sa ibang sasakyan ng MMDA.
“Naka-receive po kami ng show cause order dahil yung plaka ko na nakakabit sa kotse na na-videohan po na ‘yan ay appeared to be a license plate sa isang sasakyan ng MMDA,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ng LTO na isinuko ni Torre ang patrol vehicle ng MMDA na sangkot sa insidente matapos itong makatanggap ng show-cause order dahil umano sa pagdaan sa EDSA Busway at paggamit ng maling plaka.
Humingi ng komento ang GMA News Online kay Torre tungkol sa naturang usapin, ngunit wala pa siyang inilalabas na pahayag hanggang sa oras ng paglalathala nito. — FRJ, GMA News