ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

1 Pinoy, kabilang sa daan-daang katao na nawawala sa Nepal flash flood; nasawi, umakyat na sa 162


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kabilang ang isang Pilipino sa daan-daang katao na nawawala matapos tumama ang deadly flash flood sa Nepal, ayon sa Nepal Tourism Board-Trade.

Ayon sa Situation Update-3 na inilabas nitong Huwebes, kabilang ang nawawalang Pilipino sa 644 katao na nawawala matapos ang flash flood.

Hindi binanggit kung babae o lalaki ang nawawalang Pilipino.

Hindi bababa sa 100 katao naman ang kumpirmadong nasawi sa biglaang pagbaha na tumama sa hangganan ng Nepal at Tibet nitong Miyerkoles, Agosto 26.

Pahirapan ang pagsasagawa ng rescue operation dahil masyadong mataas ang tubig para makapaglapag ang mga helicopter sa mga apektadong lugar ng Syapru Besi at Timure sa bulubunduking distrito ng Rasuwa sa Nepal.

May tinatayang 50,000 residente sa naturang lugar.

Nitong Huwebes, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, na nakikipag-ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas sa mga awtoridad ng Nepal at sa komunidad ng mga Pilipino upang malaman kung may mga kababayan na naapektuhan ng matinding sakuna na nangyari.

Batay sa tala mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA), sinabi ni Castro na may 18 overseas Filipino workers (OFWs) sa Nepal.

Samantala, 128 Pilipino naman ang naitala ng DFA na nasa Nepal, at karamihan sa kanila ay mga kasal sa mga Nepalese.

Muling nakipag-ugnayan ang GMA News Online sa DFA upang humingi ng update.

Batay sa lumabas na mga ulat, mahigit 400 dayuhan ang kasama sa 579 nawawalang turista dahil sa nangyaring flash flood, ayon sa Nepal tourism officials.

Kabilang umano sa mga lugar na tinamaan ng flash flood ay dinarayo ng mga trekker at pilgrims.

Ayon sa isang ulat ng Reuters, tinatayang mahigit 1,500 katao ang hinahanap, at nasa 162 na ang kumpirmadong nasawi.

Sa tala ng tourism board ng Nepal, kabilang sa mga bansa na may nawawalang kababayan sa nangyaring trahediya ay ang India (177), Amerika (63), Britain (33), Canada (25), Germany (8), Russia (5) at Singapore (6). – FRJ, GMA News