GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

Ending ng 'My Husband's Lover,' iimbestigahan ng Kongreso?

July 19, 2013 7:24pm

Isang resolusyon ang inihain sa Kamara de Representante tungkol sa My Husband's Lover. Ang layunin ng resolusyon na binasa sa isinagawang "mock" session ng mga bagong mambabatas, alamin ang magiging ending ng patok na Kapuso primetime series.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa "Chika Minute" ng 24 Oras nitong Huwebes, ipinakita ang pagbasa sa plenaryo ng kunwaring House Resolution 14344 na nagsasaad na: "directing the appropriate committee to conduct an investigation in aid of legislation on the possible ending of  My Husband's Lover."

Basahin: Papaano magwawakas ang love story nina Lally, Vincent at Eric sa 'My Husband's Lover'?



Ang naturang mock session ay dinaluhan ng mga baguhang kongresista na bahagi ng paghahanda sa kanilang magiging trabaho bilang mambabatas sa papasok sa 16th Congress na magsisimula sa Lunes.

Pero bago pa man ang pagkakasama ng My Husband's Lover sa mock session, may kanya-kanya na ring spoof na ginawa na tungkol sa nabanggit na serye na may tema tungkol sa pag-iibigan ng dalawang kapwa lalaki.

Bukod pa sa mga spoof sa My Husband's Lover, dagsa rin ang iba pang paraan ng fans para ipakita ang kanilang suporta sa programa. Kabilang na ang gabi-gabing pag-trend nito sa Twitter, mga online fan art at paglalagay ng subtitle sa mga episode na inilalagay sa internet.

Basahin: Kapuso series na My Husband’s Lover, pinuri maging ng talents mula sa ibang network

Dahil dito, labis ang pagsasalamat nina Dennis Trillo at Tom Rodriguez na gumaganap na "lover" na sina Eric at Vincent sa programa.

"May mga ibang lahi na nakakapanood, may mga kaibigan akong Hapon nakakanood, saka mga Amerikano rin, nakakatuwa," ayon kay Dennis -- FRJ, GMA News
Go to comments


my husbands lover