Showbiz News

Mark Herras, naisipan nga ba na iwan ang showbiz noon?

By Jimboy Napoles

Mula nang manalo bilang male ultimate survivor sa first season ng reality talent search ng GMA na StarStruck, ay nagtuloy-tuloy na ang showbiz career ng aktor na si Mark Herras. Dito ay nabigyan siya ng kabi-kabilang proyekto sa TV at pelikula at dahil sa kaniyang husay sa pag-arte at kakaibang estilo sa pagsayaw. Nakilala rin si Mark bilang "bad boy ng dance floor."

Sa paglipas ng panahon, hindi naman nawala sa industriya si Mark sa kabila ng sunod-sunod na pagpasok ng mga bagong artista.

Sa isang ekslusibong panayam ng GMANetwork.com kay Mark, ibinahagi ng aktor na hindi niya kailanman naisip na iwan na ang pagiging artista bagkus ay nagpapasalamat pa siya sa patuloy na pagbibigay sa kaniya ng trabaho kahit marami na ang bago sa industriya.

Kuwento niya, "Before pa 'yung pandemic, siyempre na-experience ko na 'yung mawawalan kami ng project, tapos marami na rin ang artista ng GMA pero never naman na pumasok sa isip ko na mag-quit or tumigil.

"Ang nasa isip ko lang palagi, inaalagaan ako ng GMA, ng Artist Center na Sparkle na ngayon, hangga't may kontrata ako sa kanila, hangga't gusto nila akong bigyan ng project at ng trabaho, siyempre tatanggapin ko 'yun."

Aminado naman si Mark na tapos na ang "peak" ng kaniyang kasikatan at gusto niya na lamang na patuloy na makatanggap ng trabaho at maging steady ang career na mayroon siya ngayon.

Aniya,"Ang gusto ko lang talaga sa career ko ay 'yung steady lang, alam mo 'yun, na-experience ko na 'yung peak ng career ko before so I'm thankful for that."

"So I'm really enjoying kung ano 'yung ibinibigay sa akin at the same time I'm really thankful na until now e, nasa GMA pa rin po ako," dagdag pa niya.

Bukod sa kaniyang mga proyekto sa telebisyon, abala rin si Mark sa pag-aasikaso sa kaniyang pamilya kasama ang asawang si Nicole Donesa at anak nilang si Baby Corky lalo na ngayon na nagsisimula na rin silang magtayo ng bagong bahay.

Sa ngayon ay napapanood si Mark bilang si Elijah Borromeo sa pinag-uusapang drama sa hapon na Artikulo 247, Lunes hanggang Biyernes, 4:15 p.m. sa GMA.

Silipin naman ang mga larawan ni Mark bilang 'bad boy ng dance floor' sa gallery na ito.