Gulpi ang inabot ng isang 22-anyos na lalaki na suspek umano sa kabi-kabilang insidente ng pagnanakaw sa Tondo, Maynila.
Kinuyog ang lalaki ng mga residente sa Barangay 102 gabi ng Setyembre 8, matapos siyang iturong kapitbahay na sumubok magnakaw sa lugar.
Sinabi ng Barangay 105 kung saan residente ang suspek, agad ipinagbigay-alam sa kanila ng Barangay 102 ang nangyari sa lalaki.
“Tinanong ko ano nangyari, may ilan daw na nagrereklamo na pinasok sa bahay… Sabi ko sa kanila kung ano, ipakulong niyo na lang po,” sabi ni Kagawad Marlene Tumbokon ng Barangay 105, Tondo, Maynila.
Napag-alaman na ilang araw bago magulpi ang suspek, ilang beses na nahuli-cam ang suspek na dala-dala ang kaniyang mga ninakaw.
Batay sa kuha ng CCTV nitong nakaraang Linggo, mapanonood ang suspek na naglalakad sa isang eskinita sa Barangay 100 dala ang ninakaw umano niyang LPG stove.
Madaling araw naman ng Setyembre 8 nang makita ang suspek sa bahagi ng Happyland na may dalang saging at isang pares ng sapatos na tinangay umano niya sa Tayuman Street.
Sa kapareho ring CCTV, makikitang nagpalit pa siya ng t-shirt at inihagis lang sa mga nakaparadang tricycle ang t-shirt na kaniyang hinubad.
Ayon sa barangay, inireklamo na rin ang lalaki noong nakaraang Linggo dahil naman sa pagnanakaw ng cellphone.
Sa isang video ng Barangay 105, kusang umamin ang suspek sa ginawa niyang pagnanakaw sa nasabing cellphone.
"Pasaway talaga siya, maraming nagrereklamo, noong Monday lang, nakarekober kami sa kaniya ng cellphone, na ninakaw niya noong Huwebes,” sabi ni Tumbokon.
Dagdag ng barangay na maliban sa pagpasok niya sa mga bahay- bahay, sangkot din siya sa pagnanakaw sa mga truck na dumadaan sa Mel Lopez Boulevard na “jumper boys” kung tawagin.
"Ano yan eh, snatcher tapos magnanakaw… Kung sa pagnanakaw po sa truck involved po siya, maraming beses na rin po," sabi ni Joselito Bucayan, Tanod, Barangay 105.
Nai-turnover na sa pulisya ang suspek upang masampahan ng mga reklamo.
Sinusubukan pa siya ng GMA News na makunan ng pahayag. — Jamil Santos/VBL GMA News
