Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos siyang mahuli-cam na tinatangay ang mga kable na mahigit P35,000 ang halaga mula sa isang bodega sa Tondo, Maynila. Ang kaniyang kasabwat, natukoy at sasampahan na rin ng reklamo.

Mapanonood ang CCTV ng pag-akyat ng isang lalaki sa pader ng isang bodega sa Balut sa Tondo, Miyerkoles ng madaling araw.

Kalaunan, may hinila ang lalaki sa itaas ng pader, habang tumulong ang isa pang lalaki sa paghila hanggang sa makuha nila ang isang mahabang tubo.

Maya-maya pa, tumakas na ang dalawa.

Makaraan ang ilang minuto, bumalik ang dalawang lalaki dala-dala ang isang kulay asul na plastic at sumakay sa isang kulay pulang motorsiklo.

Sinabi ng pulisya na mga kable ang ninakaw ng dalawang lalaki na aabot sa P35,000 ang halaga.

Ayon pa sa mga awtoridad, saktong napadaan ang isa sa mga suspek habang nagre-review ng CCTV ang mga pulis.

"Sakto dumaan itong motor lulan itong suspek… Sa pagre-review nila nakita nila du’n sa CCTV recording na 'yung tao na gumawa na 'yun at tsaka 'yung tao na dumaan na tumambay sa barangay ay iisang tao lang," Police Captain Ryan Jay Balagtas, Smokey Mountain PCP Commander ng MPD 1.

Dahil dito, agad ipinatawag sa barangay ang lalaki, na positibo umanong kinilala ng negosyanteng may-ari ng bodega, kaya agad siyang dinakip ng mga pulis.

Gayunman, hindi na nabawi sa kaniya ang mga ninakaw na kable na posibleng naibenta na.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na hindi ito ang unang pagkakataon na pinagnakawan ng suspek ang kaparehong bodega, na isang dating parcel hub.

Ngunit hindi natutuloy noon ang reklamo dahil sa pakikiusap ng nanay ng suspek sa may-ari nito.

“According sa complainant, sa kaniya pa lang siguro ay nag-e-estimate nasa P4 million 'yung halaga ng nanakaw sa kaniya… Bakante, so napapasok nila nang paulit-ulit na walang nagbabantay… Mula pa noong una may ref, may metro, kung ano-ano,” sabi ni Balagtas.

Itinanggi naman ng suspek ang alegasyon.

"Hindi po sir… napagbintangan lang po sir,” sabi niya.

Nakatakda siyang i-inquest nitong Huwebes para sa reklamong theft, habang tukoy na ang pagkakakilanlan ng kasabwat niya na sasampahan din ng kaparehong reklamo. — Jamil Santos/RSJ GMA News