Si dating special envoy to China Jaime T. Cruz, na nagsilbi sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang siya ring taong nakatala sa corporate records ng mga kumpanyang may kaugnayan kina Vice President Sara Duterte at sa asawa nitong si Manases Carpio, ayon sa prosecution panel nitong Martes.

Inihayag ito ng private prosecutor na si Erwin Matib matapos tanungin ni Senator-judge Erwin Tulfo kung si Cruz, na itinalagang special envoy to China para sa trade at investment, ang siya ring taong nakatala bilang incorporator o board member ng mga kumpanyang iniuugnay sa Bise Presidente at kay Carpio.

“Yes, Your Honor. Same name, same person,” sabi ni Matib.

Idiniin ni Tulfo ang isyu sa cross examination ng prosecution witness na si Gerardo Del Rosario, direktor ng Company Registration and Monitoring Department ng Securities and Exchange Commission (SEC), na nagbigay ng testimonya tungkol sa corporate records ng mga kompanyang may kaugnayan umano kina Duterte at Carpio, kabilang ang kanilang mga incorporator, direktor, at shareholder.

Sa pagtatanong ni Tulfo, sinabi ni Del Rosario na lumitaw ang pangalan ni Cruz sa corporate records ng mga sumusunod na kumpanya:

  • City Hall King Chow Foods Corporation
  • Metro City Chow Foods Corporation
  • Great Jolly Times Food Corporation
  • Davao New Royal Taipan Foods Corporation
  • Davao Emerging Taipan Corporation
  • Davao Bounty Times Food Corporation

Nauna nang sinabi ni Del Rosario sa korte na si Cruz ang nangungunang subscriber ng Metro City Chow Foods Corporation, na may 1,997 shares, na sinundan ni Vice President Duterte na nagmamay-ari ng 500 shares. —Jamil Santos/AOL GMA News