Maagang nagtapos ang kampanya ng World No. 18 na si Alexandra “Alex” Eala sa Singapore Tennis Open matapos siyang talunin ng World No. 180 na si Tatiana Prozorova, 6-4, 5-7, 3-6, sa Round of 16 nitong Huwebes.

Nakaunang lumamang si Prozorova, 3-1, sa unang set bago nakabawi si Eala at nakuha ang sumunod na apat na laro para umabante sa laro, 5-3.

READ: Who is Tatiana Prozorova? Alex Eala's Round of 16 foe at Singapore Tennis Open

Nakuha pa ni Prozorova ang isa pang laro, bago natapos ang pitong set point at nasungkit ni Eala ang unang set na inabot ng isang oras at anim na minuto.

Sa ikalawang set, nakuha ni Eala ang lamang, 2-1, bago tumabla si Prozorova. Nakalamang naman ang Pinay tennis star nang makuha ang sumunod na dalawang laro. Ngunit bumawi ang Russian player at nakuha ang tatlong magkakasunod na laro para maagaw ang kalamangan.

Gayunman, nakabawi si Eala at nakuha pa ang isang laro ngunit namayani si Prozorova sa sumunod na dalawang laro upang ituloy ang laban sa deciding third set.

Ginamit ni Prozorova ang momentum niya at nakuha ang unang dalawang laro bago nakalamang si Eala, 3-2. Nagtabla si Prozorova, bago tuluyang masungkit ang third set, 6-3.

Makakaharap ni Prozorova si Wang Xinyu ng China sa quarterfinals.

Sa maagang pagkakaalis sa torneo, maitutuon naman ni Eala ang atensyon sa kaniyang pagsabak sa Asian Games sa Japan upang maging kinatawan ng Pilipinas.—Justin Kenneth Carandang/FRJ GMA News