Nabalot ng takot ang dalawang magkaibigang sakay ng motorsiklo matapos na mahagip sa kanilang cellphone camera sa dis-oras ng gabi ang isang lalaking nakabarong na nasa gilid ng madilim na kalsada at biglang naglaho sa Oriental Mindoro. Paniwala ng mga residente sa lugar, ang misteryosong nilalang ang dahilan ng mga aksidente doon at may mga namamatay.
Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, itinampok ang video ng magkaibigang sina RB Mangao at Rhed Masilungan kung saan nahuli-cam nila ang lalaking nakabarong sa gitna ng dalawang poste nitong Setyembre 10, dakong 7 p.m.
Gagala raw sana sina RB at Rhed nang gabing iyon nang nakunan nila ang video ang misteryosong lalaki. Naisip ni RB na mag-video noon para mag-update sa kanilang group chat.
“Hindi ko po inaasahang makakakita kami ng isang misteryosong nakabarong. Tinutok ko po sa kaniya 'yung camera… Hindi po siya masyadong matangkad. Hindi ko po maaninag 'yung kaniyang mukha. Naisip ko po na baka prank lang po 'yun,” ani RB.
Ayon naman kay Rhed, nagdahan-dahan sila ng patakbo para lingunin ang kanilang nakita at kumpirmahin kung ano ito.
Laking gulat ng magkaibigan nang bigla umanong maglaho ang lalaking nakabarong, kaya napaharurot sa takot sina RB at Rhed.
Hindi na rin sila tumuloy sa kanilang lakad at mas pinili na lamang magpalipas ng gabi sa bahay ng kanilang kaibigan.
“Wala po kaming nabalitaan na may magaganap na event dito sa lugar namin. And wala din naman pong magtatangka na titigil du'n sa lugar kung saan namin nakita 'yung misteryosong nakabarong,” ani Rhed.
Ipinagtataka rin nila kung paanong biglang nawala ang lalaki, dahil may harang na barbed wire ang gilid ng kalsada, at matarik at masukal din ang ibaba nito na may mga halaman.
Duda rin si RB kung nagpunta sa naturang lugar ang nakabarong para umihi dahil sobrang dilim at delikado.
Bukod sa magkaibigan, nakita na rin umano ng karpinterong si Edwin Rejano ang lalaking nakabarong.
“Alas-7 ng gabi. Tinitingan ko lang nandito ako nakaupo dito sa upuan na ito,” sabi ni Edwin.
Makailang ulit na rin umanong namataan ang misteryosong lalaking nakabarong ng manggagamot na si Nene Arcasitas malapit sa ilog.
“Nakita ko talaga siya. Hindi siya nakaharap pero tagilid. Tinatanong ko siya, nilalapitan ko. Hindi siya umiimik. Kailangan mag-iingat ang mga kabataan dito lalo na kung nakamotor,” sabi ni Nene, na sinabing masamang pangitain ang pagpaparamdam ng lalaking nakabarong.
“Marami rito na naaksidente, motor, tricycle, bus,” sabi pa ni Nene.
Ngunit sino nga kaya ang misteryosong naka-barong sa video? Tunghayan sa video ng KMJS ang pakikipag-usap ng isang manggagamot sa misteryosong lalaki, at ang paliwanag naman ng video editor tungkol sa footage nina RB at Rhed. Panoorin. – FRJ GMA News
