Makalipas ang halos apat na buwan na pagtatago, nadakip na ang suspek sa pamamaril at pagpatay sa dalawang lalaki sa Barangay Daanghari sa Navotas noong nakaraang Hunyo 28. Ang isa sa mga biktima, kababata ng suspek.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV footage na naglalakad ang ilang lalaki sa gitna ng kalye sa lugar na nauwi sa kaguluhan.

Isa sa mga lalaki ang naglabas ng baril at pinuntirya ang isang lalaking tumakbo pero hinabol pa rin ng salarin.

Hindi nagtagal, bumalik ang gunman at binaril naman niya nang malapitan ang isa pang lalaki.

Kinilala ang mga nasawi sa insidente na sina Ryan Lee Vincent dela Cruz, 21-anyos at Jerry Visbal, 47-anyos.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad, na nag-ugat ang alitan habang naglalaro ang grupo ng dart game.

“Lahat na lang nabigla nang bigla na lang siyang bumunot ng baril. Unang binaril niya, ‘yung tiyuhin ng isang victim. Tapos 'yung 21 years old na kababata niya rin actually. Kaya kung makikita niyo doon, dalawang tao 'yung binaril niya,” sabi ni Colonel Renante Pinuela, Navotas Chief of Police.

Tumakas ang suspek makaraan ang krimen. Pero makaraan ang halos apat na buwan, nagkaroon ang pulisya ng impormasyon sa kinaroroonan niya sa San Jose, Occidental Mindoro.

Nadakip ng mga awtoridad ang salarin nitong nakaraang Oktubre 19.

“Double homicide kasi itong kaso na ito eh, na kinaso sa kaniya at nilabasan naman siya ng warrant of arrest. Nasuwertehan lang kami at nakuha namin agad itong suspek na ito,” ani Pinuela.

Nagpapasalamat ang nanay ng 21-anyos na biktima sa pulisya sa pagkakaaresto sa suspek.

“Masaya po ako at ngayon po kahit paano napapanatag po ako nahuli na po siya. Na at least lumuluwag na po ‘yung loob ko, na nabibigyan na po ng hustisya ‘yung anak ko po,” sabi ng ina ng biktima.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi maintindihan ng ina kung bakit nagawa ito ng suspek sa anak niya, lalo pa’t sabay na lumaki ang suspek at ang kaniyang anak.

“Masakit po para sa akin na 'yung mismong kaibigan niya, tropa niya ‘yung gagawa sa kaniya ng ganu’n,” sabi pa ng ina ng biktima.

Sinabi ng suspek na kung mapatutunayan na may sala siya, handa siyang panagutan ito. – Jamil Santos/FRJ GMA News