Sinabi ng kampo ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules na nakuha at "ligtas" na ang dalawa nitong dating staff na humingi ng tulong matapos umanong gipitin at pilit na pinapipirma sa dokumento. Pero hindi umano "binihag" ang dalawa, bagaman may banta sa kanilang buhay.
Sa post sa Facebook, sinabi ni Atty. Salvador Paolo Panelo, tagapagsalita ni Duterte, na nakuha ang dalawa sa tulong ng mga pulis nitong Martes.
"Yesterday (November 17, 2026), the Vice President’s legal team, with police assistance, fetched them and brought them to a police station where they executed affidavits and filed a police blotter," saad ng abogado.
"For now, the apparent plan to use these individuals for false testimony against the Vice President has been foiled," dagdag niya
Ayon pa kay Panelo, kinuha ng isang pribadong tao ang dalawa noong Oktubre upang magtrabaho bilang mga empleyado sa isang resort sa Boracay. Kalaunan, dinala sila sa Maynila na kunwaring magsasanay para sa kanilang mga trabaho.
Patuloy niya, noong Nobyembre 16, ipinaalam umano ng kanilang employer sa dalawa na may banta sa kanilang buhay. May banta rin umano sa buhay ng employer dahil sa “pagkupkop” sa mga ito.
"The employer then told them that the threats would be quelled if they executed affidavits, drafts of which were presented to them. According to the two individuals, the affidavits contained false allegations against the Vice President, which they refused to sign," patuloy ni Panelo.
Sinabi rin niya na nang araw na iyon, isa sa dalawa ang nakipag-ugnayan sa bise presidente upang humingi ng tulong, “to extricate themselves from the situation and for safe passage."
Pero nilinaw ni Panelo na hindi bihag ang dalawa ngunit natatakot na umalis sa pangangalaga ng kanilang employer dahil sa umano'y mga banta sa kanilang buhay.
Sinabi niya na hindi na sila magbibigay ng karagdagang detalye tungkol sa insidente para sa kaligtasan ng mga sangkot.
Noong Martes, nanawagan ang Malacañang na imbestigahan ang mga alegasyon na sinasabing may kinalaman ang administrasyon sa nangyayari sa dalawang dating tauhan ni Duterte.
Samantala, hinimok ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at tagapagsalita ng House impeachment trial na si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, ang kampo ni Duterte na magsampa ng pormal na reklamo kaugnay ng umano'y mga banta kung totoo .—FRJ GMA News

