Humingi ng paumanhin ang suspek sa viral road rage incident na gumamit sa kaniyang sasakyan ng plakang '8,' na para lang dapat sa mga kongresista.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Jojo Valerio na kasama niya ang kaniyang pamilya at anak sa sasakyan nang makunan siya ng video na sinuntok ang isang motorista sa Angeles City, Pampanga.

"Involved po ang aking pamilya na kasama po sa loob ng sasakyan. Nasaktan po ang anak ko," sabi ni Valerio.

"Hindi naman po siguro ako mag-aarte ng gano'n at mananakit kung hindi po...kung wala pong dahilan," dagdag niya.

Nauna nang sinabi ng mga kaanak ni Valerio sa nakaraang ulat na ang motorista na nakaalitan nito sa Angeles City ang naunang gumawa nang hindi magandang kilos sa lansangan.

"Gusto kong humingi ng paumanhin du'n sa mga taong na-offend. Sana magsibli pong aral sa lahat na 'wag naman tayong maging one-sided sa lahat ng bagay," sabi ni Valerio.

Gayunman, hindi pa rin sinasabi ni Valerio kung paano niya nakuha ang plakang 8 na iniisyu sa mga kongresista.— FRJ, GMA News