Inamin ni Yasser Marta na nagkaroon siya ng pagtingin kay Claudine Barretto nang gawin nila ang GMA/Regal Entertainment series na "Lovers/Liars."

Ginawa ni Yasser ang pag-amin nang masalang sa "hot seat" ng programang "Sarap Di Ba?" nina Carmina Villarroel at mga anak nito na sina Mavy at Cassy Legaspi.

Sa naturang segment, ang kapuwa niya guest na si Liezel Lopez ang naatasang magbato ng tanong kay Yasser.

"Mula nung magkasama kayo sa isang soap, madalas kayong nakikitang magkasama ni Miss Claudine Barreto off-cam. On a scale of 1 to 10, paano mo ire-rate ang level ng closeness/intimacy ninyo ni Miss Claudine Barretto?" tanong ni Liezel kay Yasser.

Sagot ng aktor, "Well, sa closeness namin ni Miss Clau, 10 talaga. As in sobrang naging close kami, ginagawa namin yung 'Lovers/Liars.' Talagang oo."

Sinabi rin ni Yasser na naging kaibigan na rin niya ang mga anak ni Claudine.

Sinundan pa ito ni Liezel na tanong na, "Nagkaroon ka ba ng feelings para sa kaniya?"

Naging tapat naman ang aktor sa kaniyang sagot, "I'm going to be honest. Totoo. Ako naman, 'yung naramdaman ko at that moment, naging totoo ako, gusto ko rin naman talaga si Claudine."

Tinukso ng hosts si Yasser dahil sa pagtawag niya sa pangalan ni Claudine na first-name basis.

"Kahit hindi siya si Claudine, kahit naman sinong lalaki, magugustuhan pa rin po siya eh," sabi ni Yasser. "Bukod sa mabait, napakalambing, napakabuti ng puso niya."

Nilinaw ni Carmina kay Yasser kung nagkagusto ang aktor kay Claudine kahit off-cam o sa labas na ng kanilang trabaho bilang mga artista.

"Single naman po ako. I guess, siya rin. Ako, siguro na-develop din po ako," sagot ni Yasser.

Ang "Lovers/Liars" ang naging comeback TV project ni Claudine na ipinalabas sa Kapuso primetime.

Ginampanan dito ni Claudine ang karakter ng isang corporate woman na na-in love sa kaniyang empleyado na mas bata na si Caloy, na ginampanan ni Yasser.

Si Claudine ay dating asawa ni Raymart Santiago, habang naging karelasyon naman noon ni Yasser si Kate Valdez.-- FRJ, GMA Integrated News