Isang miyembro ng kilabot na grupo ng magnanakaw na gupit-bubong gang ang namatay matapos lumaban sa mga pulis.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras” nitong Martes, napatay ng mga pulis ang suspek na si Jeric Aureada matapos siyang isumbong sa pulis ng mga taga Barangay Ilayang Iyan sa Lucena, Quezon.

Narekober sa suspek ang isang caliber 38 na baril at ang panggupit ng bubong na gagamitin raw dapat nito sa binabalak niyang nakawan na hardware store sa Lucena.

Bago pa man napatay ang suspek, nakunan na ito ng CCTV ng isang tindahan sa Brgy. Gulang Gulang noon lamang huling bahagi ng 2018 kung saan nilooban niya ang isang tindahan sa pamamagitan ng pagtungkab at paggupit ng bubong nito.

Ayon sa pulis, ninakawan na rin ng suspek ang isang drug store noong Enero 2018 at tinangay nito ang isang linggong kita ng tindahan.

"Kadalasan, sa madaling araw umaatake ito. Kung minsan kada weekend para walang tao,” ani Police Superintendent Reydante Ariza, chief of police ng Lucena.

"Bukod sa parehong laki at built, makikita natin na sa CCTV na ang tattoo ng suspek sa gupit bubong ay 'yun din ang tattoo ng suspek na napatay sa operasyon," dagdag pa ni Ariza.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya laban sa iba pang kasamahan ng napatay na suspek. —LLanesca Panti/ LDF, GMA News