Matagumpay ang naging operasyon sa isang batang babae na may tumubong braso at kamay sa kaniyang likod. Naisagawa ito sa tulong ng GMA Kapuso Foundation at partner doctors nito.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing hirap matulog ang batang si Mika na kailangang nakatagilid upang hindi niya madaganan ang braso.

Ayon kay Dr. Beda Espineda, pediatric surgeon, ang naturang braso ay "parasitic twin" ng bata.

"Ibig sabihin, wala namang buhay. May isang parte lang na dumikit," saad niya. "May problema lang doon sa bone sa vertebra niya, nandun po 'yung spinal cord na nakadikit, pumasok po dun 'yung limb nung parasitic twin."

Nitong nakaraang linggo, tagumpay na naoperahan ang bata at natanggal ang braso.

"Sa kaso po ni Mika meron pong tinatawag na lipomyelomeningocele o taba na nakapaloob po sa spinal cord. Ang naging challenge po namin ay tanggalin po ito na hindi po tayo magbibigay ng damage sa spinal cord ni Mika," paliwanag ni Dr. Jose Francisco Aguilar, neurosurgeon.

Kailangan pa rin ni Mika na sumailalim sa mga follow-up Magnetic Resonance Imaging (MRI) para masuri ang kalagayan ng kaniyang spinal cord.

Para sa mga nais tumulong kay Mika, maaaring magpadala ng donasyon sa GMA Kapuso Foundation sa pamamagitan ng bank deposits, Cebuana Lhuillier, GCash, Shopee, PayMaya, Zalora, MegaMart, Globe Rewards, Metrobank credit card, at Lazada.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang GMA Kapuso Foundation website.

—FRJ, GMA Integrated News