Nagtungo nitong Martes sa Manila Police Headquarters ang doktor na nagmamay-ari ng umano'y na-carnap na kotse na sangkot sa pang-aararo ng mga sasakyan sa Maynila.

Ayon sa ulat ni Isa Avendaño-Umali ng Super Radyo dzBB, dumulog sa pulisya ang doktor na kinilalang si Dr. Laarni Roque.

 

 

‏Sa kwento ni Roque, na-carnap daw ang Toyota Vios noong Abril habang ginagamit ito pampasada ng kanyang Grab driver na kapatid na si Laurence Fajardo, na hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nakikita.

Matatandaan na nakunan at nag-viral sa social media ang Vios na binabato ng mga tao matapos mang-araro ng mga sasakyan sa J.P. Laurel sa Maynila.

Nakatakas ang driver na nasita sa paglabag sa batas-trapiko pero nagsumite ng pekeng driver's license, ayon sa ulat ni Carlo Mateo ng Super Radyo dzBB sa Balitanghali ng GMA News nitong Martes.

Matapos ang pambabato rito, nakita ang kotse sa Mabini Bridge sakay ang isang babae.

Tinanong ng mga pulis ang babae ng kanyang mga nalalaman tungkol sa suspek at sa insidente. Pinakawalan din ang babae dahil wala umanong kaso na maisasampa rito.

Ayon sa babae, nakilala niya ang suspek sa Facebook gamit ang mga pangalang Frankie Mark Serrano at Mark Santos. Nagpakilala raw sa kanya ang suspek na may negosyo itong buy and sell ng mga sasakyan.

Nakuha rin ng awtoridad mula sa inabandonang sasakyan ang tatlong ID na may iba't ibang pangalan pero magkakapareho ang larawan at mga plaka ng sasakyan.

May nakuha ring magasin ng 9mm na baril at mga bala sa loob ng kotse.

Ayon sa doktorang nagmamay-ari ng sasakyan, sa General Trias daw sa Cavite ang huling destinasyong naka-book sa kapatid niya bago ito nawala. —Joviland Rita/JST, GMA News