Natuklasan ng mga awtoridad na carnap ang kotseng Toyota Vios na nang-araro ng mga sasakyan sa Maynila at nakasugat sa dalawang tao. Napag-alaman din na may mas malalim na kasong nakadikit sa naturang sasakyan na na-carnap noong Abril.

Sa ulat ni Carlo Mateo ng Super Radyo dzBB sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, matatandaan na nakunan at nag-viral sa social media ang Vios na binabato ng mga tao matapos mang-araro ng mga sasakyan sa J.P. Laurel sa Maynila.

Nakatakas ang driver ng kotse na natuklasan na nauna nang nasita sa paglabag sa batas-trapiko pero nagsumite ng pekeng driver's license.

WATCH: Kotseng nang-araro ng ilang tao at sasakyan, pinagbabato sa Maynila

Kinalaunan, nakita ang kotse na inabandona sa Mabini Bridge at may sakay na isang babae.

Matapos na tanungin ng mga awtoridad, pinakawalan din ang babae dahil wala umanong kaso na maisasampa rito, ayon pa sa ulat.

Nakilala raw ng babae ang suspek sa Facebook, na nagpakilala raw na may negosyong buy and sell.

Gumamit daw ang suspek ng pangalang Frankie Mark Serrano at Mark Santos.

Sa inabandonang sasakyan, nakita pa umano ang tatlong ID na may iba't ibang pangalan pero magkakapareho ang larawan.

Sa imbestigasyon umano na ginawa ni Captain Jaime Gonzales, hepe ng Vehicular Accident Investigation ng Manila District Traffic Enforcement Unit, lumitaw na duktor ang tunay na may-ari ng kotse.

Pero na-carnap umano ang kotse noong Abril 22 habang ginagamit ng kapatid ng duktor sa pamamasada bilang Grab.

Hanggang ngayon ay hindi pa umano nakikita ang kapatid ng duktor.

Bukod sa mga ID, may nakita pa umano sa inabandonang kotse ang dalawang plaka ng sasakyan at magazine o lalagyan ng bala ng baril.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para mahanap ang suspek.--FRJ, GMA News