Tinanggal na sa trabaho ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isa nilang metro aide na nakuhanan ng video habang sinasaktan ang kaniyang ka-live in at menor de edad na anak ng babae.

Sa resolusyon, nakasaad na tinanggal ng MMDA sa trabaho ang tauhan nilang si Metro Aide 1  Roel Gatos dahil sa ginawa nitong, “disgraceful and immoral act that is conduct prejudicial to the best interest of the MMDA being a public employee."

READ: Lalaking lasing umano, ginulpi ang kinakasama at anak nito habang umiiral ang ECQ

Sa video na nag-viral sa social media, makikita na unang sinaktan ng traffic aid ang kaniyang kinakasama na itinago sa pangalang "Gina." Kinalaunan ay pinagbalingan naman nito ang anak ni Gina na 11-taong-gulang na lalaki, na kaniyang pinagpapalo ng patpat.

Kahit hindi niya tunay na anak, madidinig na "daddy" ang tawag ng bata sa suspek.

Ayon sa MMDA, ang ginawa ng suspek ay labag sa kanilang pamantayan sa pagsisilbi sa publiko at nakakasira sa tiwala ng publiko sa ahensiya.

Inaresto na ang sinibak na MMDA enforcer na residente umano sa San Jose del Monte, Bulacan.

Sinabi naman ni MMDA spokesperson assistant secretary Celine Pialago, na pinadalhan nila ng financial assistance at relief goods ang mag-inang biktima.

Bibigyan din umano ng MMDA ng trabaho ang ginang na biktima.

"Magkakaroon na din ng trabaho si nanay dahil siya po ay magiging parte na ng programa ng MMDA," ayon kay Pialago.—FRJ, GMA News