Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang gulpihin ang kaniyang kinakasama at anak nito sa kanilang bahay habang umiiral ang enhanced community quarantine. Ang suspek, lasing umano at nagalit dahil sa isang plastic na hindi makita.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa viral video ang panununtok ng suspek sa kaniyang kinakasama na itinago sa pangalang "Gina."
Nangyari ang pananakit sa harap ng dalawang anak nitong noong nakaraang linggo. Matapos ang pananakit sa babae, ang anak naman nitong 11-taong-gulang pinagdiskitahang saktan ng suspek.
Ipinakita ni Gina ang mga pasa sa braso at sa tagiliran, samantalang may mga latay sa katawan ang kaniyang anak dahil sa palo ng patpat.
Sinabi ni Gina na "daddy" ang turing ng naunang anak nito sa amain na nanakit sa kaniya. May tatlong-taong-gulang na anak din sina Gina at ang suspek.
"Sa akin po maraming beses na, kahit po i-check sa blotter dito sa amin, maraming beses na. Ginawa mo sa anak ko dahil anak ko 'yan, nanay ako, masakit sa akin. Ako, kaya ko pang tanggapin, okay lang ako pero 'yung anak ko hindi puwede," sabi ni Gina.
Ayon kay Gina, hinahanap lang ng kinakasama ang isang plastic na ginagamit sa aquarium. Pero hindi ito nakita ng suspek kaya bigla umano itong nagalit dahil na rin daw sa kalasingan.
Umamin ang lalaki na nakainom siya, at pinagsisisihan ang nagawa.
"Ang laki po ng pagsisisi ko, sana mapatawad ako ng asawa ko po. Inaamin ko naman po ma'am na nagkasala po ako, sana po mapatawad niya ako saka ng aking anak," sabi ng suspek.
Nagtatrabaho sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang lalaki bilang metro aid.
"Pinapaimbestiga ko, baka nakadroga. Hindi natin palalampasin 'yan, talagang sobra, sobra 'yang ganiyan. Hindi lang natin ipinakulong 'yan, ipatatanggal ko rin sa serbisyo 'yan," sabi ni MMDA Chairman Danny Lim.
"Tutulungan po ng aming ahensiya na maipasok po sa MMDA at mabigyan man lang ho kahit ano man na trabaho," ayon naman kay Asec. Celine Pialago, spokesperson ng MMDA.
Sinampahan na ng reklamong paglabag sa Republic Act 9262 o Violence Against Women and their Children ang lalaki nitong Martes.
Sinabi ng World Health Organization na maaaring tumaas ang bilang ng kaharahasan sa kababaihan tuwing may public emergency tulad ng epidemic. Ilan sa mga dahilan ayon sa WHO, ang stress na dulot ng sitwasyon.
Sa ganitong panahon din mas mahaba ang oras ng mga tao na kasama sa loob ng bahay, at maaaring nababawasan ang ugnayan ng babae sa kaniyang mga kamag-anak at kaibigan na nagbibigay sa kaniya ng suporta at proteksyon.
"Huwag po silang matakot na magreklamo, magsampa ng kaso, kasi tayong mga babae hindi naman talaga tayo dapat sinasaktan kaya malakas ang laban natin," payo ni Gina sa mga kababaihan na nakararanas din ng karahasan sa kanilang tahanan.
Matatagpuan sa website ng Philippine Commission on Women ang mga hotline ng PNP at NBI na maaaring tawagan para magsumbong.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
