Mahigit 300 rehistradong nurse ang kailangan para ipadala sa Amerika. Ang sahod, aabot sa P3 hanggang P5 milyon kada taon.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing mga registered nurse na may karanasan sa trabaho ng hindi bababa sa isang taon ang hinahanap ng Industrial Personnel and Management Services (IPAMS), certified licensed agency ng Department of Migrant Workers.
Dumagsa ng mga aplikante ang kanilang tanggapan sa Aurora Boulevard sa Quezon City. Kabilang si Police Corporal Genesis Adrigado, na nurse ng Special Action Forces mula sa Batangas.
"Dahil sa pamilya ko maam, kahirapan at gusto kong buhayin 'yung pamilya ko," pahayag niya nang tanungin kung bakit niya nais magtrabaho sa Amerika bilang nurse.
Ayon naman kay Josie Grace Francia, 20 taon na nagtrabahong nurse sa Jeddah, Saudi Arabia, "ultimate dream of nurses" ang makapagtrabaho sa Amerika.
Aabot umano sa P3 hanggang P5 milyon kada taon na sahod ang alok ng US employers, depende sa karanasan ng matatanggap na aplikante.
Maaari din na makakuha ng green card o permanent visa ang matatanggap, o magiging residente na sa Amerika.
“In the US there's a nursing shortage,” ayon kay Susan Greenwood, vice president ng Hendrick Health, na kasama sa mga nag-i-interview sa mga aplikante. "And we love nurses from the Philippines because they are so compassionate and kind."
Tutulungan naman ng Visa Solutions ang aplikante sa pagproseso ng visa, National Council Licensure examination, at iba pang requirements.
Mayroon pang recruitment na isasagawa ang IPAMS sa Quezon City bukas, June 5. At sa June 7, bubuksan nila ang recruitment sa Tacloban. — FRJ, GMA Integrated New
