Natimbog ng mga awtoridad nitong Huwebes ng madaling araw sa Pasay City ang 27-anyos na lalaki na hinihinalang nasa likod ng serye ng panghahalay sa ilang masahista sa Quezon City.
Sa impormasyong ibinigay ng Quezon City Police District, kinilala ang suspek na si Marianito Sta. Maria, na kilala rin sa alyas na Robertson Bautista o Jayson Mallari.
Unang nakatanggap ng mga reklamo ang Cubao Police Station laban sa suspek. Isa sa mga biktima umano ni Sta. Maria ang nagtungo nitong Martes sa pulisya upang ilahad ang insidenteng nangyari noong Nobyembre 30 sa isang apartel sa E. Rodriguez.
Gamit ang social media, nagsabi umano ang suspek na magpapamasahe siya sa apartel. Nang magkita ang dalawa, humingi muna ng bayad ang biktima pero nagdahilan si Sta. Maria na nasa sasakyan ang kaniyang pera na ginamit lang muna ng kaniyang pinsan.
Nang matapos na ang pagmamasahe, nagtanong ulit ang biktima tungkol sa kaniyang bayad. Pero sinabihan siya ng suspek na naaksidente raw ang kaniyang pinsan.
Nang muling magtanong ang masahista tungkol sa bayad, naglabas na umano patalim ang suspek at tinakot ang biktima na sasaktan.
Hindi na nagbayad, pinagsamantalahan umano ng suspek ang biktima at kinuha ang pera at cellphone ng masahista, ayon sa pulisya.
Naaresto si Sta. Maria sa tapat ng Philtranco Bus Terminal sa Malibay sa Pasay dakong pasado 3:00 am.
Sabi ng pulisya, nagtungo rin ang ibang nabiktima umano ni Sta. Maria sa Cubao Police Station at kinilala siya na gumahasa umano sa kanila.
Sasampahan ng kasong rape at robbery ang suspek, na hindi pa nagbibigay ng pahayag.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT", sinabi ni Police Major Jowilouie Bilaro, commander, QCPD Station 7, nagpapadala ng mensahe sa Facebook account ng mga masahista ang suspek at naghihintay kung sino ang sasagot.--FRJ, GMA News