Tatlong bata ang nasawi matapos silang malunod nang mahulog sa isang hukay na puno ng tubig sa Western Bicutan, Taguig City.

Sa impormasyon ibinigay ni Taguig City Police chief Police Colonel Celso Rodriguez, sinabing dalawa sa biktima ay anim na taong gulang, habang walong taong gulang naman ang isa pa.

Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kung papaano nahulog sa hukay ang mga bata na naglalaro umano nang mangyari ang insidente sa Arca South.

Dinala ang mga biktima sa ospital pero idineklarang patay na. 

Sa ulat ng GMA News "24 Oras," <>Kuwento ng lola ng dalawang biktima, naaya ng isang bata ang kaniyang apo at hindi niya alam na pupunta ang mga ito sa naturang hukay.

"May nagsabi na yung Dominic, kusa daw yon tumalon. Ito namang isa, tinulak daw ng kambal, pati na yung bata na kambal kasi kapatid yung nagtulak. Kaya itong kambal na nakaligtas, yun ang naghingi ng tulong," kuwento ni Zenaida Nieva.

Reklamo ni Nieva, walang takip ang naturang hukay.

Aalamin naman ng mga awtoridad kung may pagkukulang ang pamunuan ng kompanyang nagsasagawa ng paghuhukay sa lugar.— FRJ, GMA News