(PAALALA, SENSITIBO ANG VIDEO)

Tumilapon ang isang 29-anyos na lalaki matapos siyang mabundol ng humaharurot na SUV sa Maynila. Ang biktima, halos sa gitna na ng kalsada naglalakad dahil may mga nakaharang sa bangketa at gilid ng kalye.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, makikita sa CCTV si Romer Villas at isang kasama habang naglalakad sa kalsada sa Onyx Street sa Barangay 775 nitong Linggo ng madaling-araw.

Halos nasa gitna ng kalsada naglalakad ang dalawa dahil na rin sa mga nakaparadang mga tricycle sa gilid ng kalye at iba pang nakaharang sa bangketa.

Hindi nagtagal, nahagip ng SUV si Villas,  tumilipon, at tumama pa ang katawan sa isang nakapadang tricycle.

Masuwerteng nabuhay ang biktima pero kailangan daw operahan.

“Sa ngayon po, nakakausap na siya. ‘Yun nga lang po, siyempre inoobserbahan po siya dahil ang tama po ay sa atay yata ‘yun kasi mukhang ‘yun na ata ang ooperahan, saka sa ulo,” ayon kay Barangay 775 chairman Allan Pacheco, tiyuhin ng biktima.

Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ng driver ng SUV pero nakipag-usap na raw ito sa kampo ng biktima.

Sa kabila ng pangyayari, nanatili pa rin ang mga nakaharang sa gilid ng mga kalsada sa Onyx Street na kinabibilangan ng mga sasakyan at mga nagtitinda.

“‘Yung iba po minsan matigas talaga ang ulo, kaya minsan tinatawag namin ang MTPB (Manila Traffic and Parking Bureau),” ani Pacheco.

“E nakita niyo naman po sa TV, talagang nakikipag-away pa ‘yung mga kini-clear natin. Kung sa kanila nga po nakikipag-away, lalo na po kami dito sa barangay,” patuloy niya.

Kulang din daw ang tauhan ni kapitan para magsagawa ng road clearing operations.

“‘Pag inano po namin, sabihin nila, e ano naman po ang ibibigay niyo sa amin lalo’t yun lang din ang hanapbuhay nila? Junk shop nga po saka tricycle driver ‘yung mga trabaho dito,” paliwanag ni Pacheco.--FRJ, GMA News