Sugatan ang isang 23-anyos na babae matapos siyang paluin sa ulo at pagsaksakin ng lalaking nagtangkang gumahasa sa kaniya sa Sto. Tomas City, Batangas.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, sinabing hapon nitong Martes nang makita ng mga awtoridad ang duguang biktima sa loob ng inuupahan niyang kuwarto.

Bago nito, naliligo umano ang biktima sa banyo na nasa labas ng inuupahang kuwarto at doon siya nagawang pasukin ng suspek.

Pinalo ng suspek ang biktima sa ulo at saka kinaladkad patungo sa inuupahan nitong kuwarto kung saan siya tinangkang gahasain.

Pero nanlaban ang biktima kaya pinagsaksak siya ng suspek.

"So noong nandoon na po sa loob ng kuwarto, lumaban po siya doon sa suspek. Ang ginawa po nu’ng suspek ay mayroon siyang traditional knife, ‘yun ang ginamit niya kasi nagre-resist nga po siya, lumalaban siya doon sa suspek," ayon kay Police Major Emil Mendoza, Deputy Chief ng Sto. Tomas City Police.

Mag-isa lang noon ang biktima sa bahay dahil nasa trabaho ang kaniyang live-in partner.

Nasa mabuting kondisyon na ang biktima, habang tinutugis naman ang suspek na napag-alam na kapitbahay ng biktima.-- FRJ, GMA Integrated News