Binaliktad ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng Makati City Regional Trial Court  tungkol sa rebellion case nito laban kay dating senador Antonio Trillanes IV matapos na pawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang amnestiya noong 2018.

Sa desisyon ng CA Sixth Division, sinabing nakagawa ng "grave abuse of discretion" si Judge Elmo Alameda ng Makati City RTC Branch 150, nang hindi niya payagan si Trillanes na magpresinta ng testimonial evidence upang patunayan na nag-apply siya at binigyan ng amnestiya ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III noong 2011.

“The [trial court] limited itself only to hearing oral arguments and receiving affidavits,” saad ng CA sa pagbaliktad sa kautusan ni Alameda noong 2018.

“It acted with grave abuse of discretion that amounted to excess of jurisdiction, thus ousting it of jurisdiction, when it shunned testimonial evidence,” dagdag pa sa desisyon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Trillanes na namayani ang “rule of law prevailed” sa kaniyang kaso.

“Sana all na judges and justices ay may ganitong sense of justice to check the prevailing authoritarianism in the country,” sabi ng dating mambabatas na nagpasalamat sa mga mahistrado ng CA sa naging desisyon.

Si Alameda din ang hukom na humawak sa rebellion case laban kay Trillanes noong 2007 Manila Peninsula Siege.

Ibinasura niya noong 2011 ang naturang kaso matapos bigyan ni Aquino ng amnestiya si Trillanes, na dating Navy officer na sumama sa pagtungo sa Manila Pen.

Pero pinawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang amnestiya ni Aquino noong Agosto 2018 dahil hindi umano sinunod ni Trillanes ang ilang rekisito tulad ng pag-apply ng amnesty at hindi pag-amin sa ginawang kasalanan kaugnay ng Oakwood Mutiny noong 2003 at Manila Peninsula Siege in 2007.

“A revoked amnesty can render void an order or judgment that dismissed a criminal action because of the amnesty, but the process entails a proper judicial inquiry which either party to the controversy, be it government or grantee, may initiate via the proper legal tools and remedies with the proper court clothed with jurisdiction,” ayon sa CA.

“The court inquiry cannot be merely summary and cursory, but one that shall give the parties ample opportunity to be heard on their respective evidence,” dagdag niya.

Si CA Associate Justice Apolinario Bruselas, Jr. ang sumulat o nagponente ng desisyon, at sinang-ayunan naman nina Associate Justices Marie Christine Azcarraga-Jacob at Angelene Mary Quimpo-Sale. --FRJ, GMA News