Patay na at may mga tama ng bala sa katawan nang makita sa kama ang isang babaeng security guard sa Cotabato City

Sa ulat ni Jestoni Jumamil sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Rosary Heights 3, kaninang madaling araw.

Ayon sa pulisya, puwersahang pumasok ang salarin at pinagbabaril ang 35-anyos na biktima.

Apat na basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Personal na away at pagnanakaw ang kabilang sa mga motibong tinitingnan ng pulisya dahil nawawala ang wallet at cellphone ng biktima.

Patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng salarin. Sinisikap naman ng GMA Regional TV One Mindanao na makunan ng pahayag ang pamilya ng biktima.-- FRJ, GMA Integrated News