Inihayag ng babaeng hinuli dahil sa pananakit sa isang traffic enforcer sa Maynila na nanggaling sa manliligaw niyang Tsino ang mga drogang nakuha mula sa kaniyang bag.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing inilipat na sa Manila Police District-Drug Enforcement Unit si Pauline Mae Altamirano, ang babaeng nag-viral dahil sa pananakit sa traffic enforcer nang mahuli siya dahil sa asuntong beating the red light.

Isinailalim sa drug test si Altamirano, pati na rin ang mga kasamahan niyang sina Rendor Sanchez, Jason dela Cruz, at Marlon De Guzman.

Sinabi ng isa sa mga suspek sa GMA News na kagagamit lang nila ng droga bago sila maaresto.

"Kaya po ako napunta rito kasi may pinapakuha sa akin, 'yung drugs na nasa bag po," sabi ni Sanchez.

Ayon naman kay Altamirano, galing sa isang dayuhan ang drogang natagpuan sa kaniyang bag.

"Doon sa Chinese. Ipapalit ko dapat ng kush. Nanliligaw sa akin," sabi ni Altamirano.

Sinabi ng MPD na bukod sa babae ang ginagamit na driver, ang mga nirerentahang sasakyan ang ginagamit ng mga arestadong miyembro ng drug group para mabilis silang makapagpalit ng sasakyan at hindi sila masundan ng mga awtoridad.

"Isa rin sa tinitingnan naming anggulo bakit nakakapag-rent nang walang driver's license 'yung mga Chinese national. PAra makapag-arkila ka ng isang buong buwan, bayad 'yung private vehicles. Ganu'n kalaki na siguro 'yung market nila," sabi ni Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., Chief, Special Mayor Reaction Team.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA. 9165 ang mga suspek bukod pa sa kaso ni Altamirano sa pananakit ng traffic enforcer at traffic violation.

Tumanggi ang ibang suspek na magbigay ng pahyag sa insidente. — Jamil Santos/DVM, GMA News