Nasakote ang isang lalaki sa Pasay City matapos makorner habang dala-dala ang kanyang ninakaw na makina ng cement mixer.

Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita, sinabing namataan ng gwardya sa isang gusali sa pamamagitan ng CCTV na tinatangay ng suspek na kinilalang si Fernando Dulce ang makina.

Agad umanong nagradyo ang guwadya sa iba pang mga guard at nakorner ang suspek.

Naaresto si Dulce sa may tabi ng isang building sa Pasay.

Pahayag ni Dulce, natukso lang daw siya dahil sa hirap ng buhay.

Aniya, dati siyang taga-walis ng kalsada sa Taguig City, pero natanggal nung kasagsagan ng pandemya.

Nakasakay na umano si Dulce ng taxi pero naharang siya, kaya nahuli.

Hawak na ng Pasay City Police si Dulce at mahaharap sa kasong theft.  —LBG, GMA News