Isang anim na taong gulang na batang babae sa New York ang natagpuang buhay at malusog sa isang maliit na kuwarto sa ilalim ng hagdan dalawang taon matapos siyang maiulat na nawawala.

Hinala ng mga pulis, dinukot ang batang si Paislee Shultis ng sarili niyang mga magulang dahil hindi ang mga ito ang legal custodian niya, ayon sa ulat ng Agence France-Presse nitong Huwebes.

Natagpuan si Shultis sa isang bahay sa bayan ng Saugerties, ayon sa Saugerties Police Department nitong Martes.

Kinilala ang mga magulang ng bata na sina Kimberly Cooper, 33 anyos, at Kirk Shultis Jr., 32.

Natagpuan si Shultis matapos makatanggap ang pulisya ng tip tungkol sa kinaroroonan niya. Natagpuan siya sa isang maliit at madilim na kuwarto sa ilalim ng hagdan sa bahay ng kaniyang lolong si Kirk Shultis, 57.

Ayon sa paramedics na tumingin sa bata, maayos naman ang kalagayan nito.

Ibinalik si Shultis sa kaniyang legal guardian habang inaresto naman ang kaniyang mga magulang at lolo. Nahaharap sila sa reklamong custodial enterference at endangering the welfare of a child.  —KBK, GMA News