Inihayag ng Alliance of Call Center Workers (ACCW) na malaking bilang ng mga manggagawa sa information technology-business process outsourcing (IT-BPO) sector, ang ikinukonsidera ang magbitiw na lang sa trabaho kapag natuloy pagbabalik-trabaho sa opisina at ititigil na ang work from home setup sa susunod na buwan.

“There’s a significant number of workers na willing na mag-resign,” sabi ni Emman David, kinatawan ng ACCW, sa idinaos na virtual press conference nitong Huwebes.

Pero nilinaw ni David na hindi protesta sa utos ng pamahalaan na balik-opisina ang gagawing pag-alis sa trabaho ng mga BPO workers.

“It’s not really mass resign as in protesta pero mass resignation as in hindi magiging madali sa kanila ang transition to work on-site kasi. For one thing marami nang bumalik sa probinsya, marami na ang nag-give up ng living arrangements sa Metro Manila tapos kung babalik ka sa office kailangan mo uling mangupahan,” paliwanag niya.

“It’s more of a sign of inconvenience [that you'd] rather take the chance of working elsewhere than in physical offices,” patuloy ni David.

Una rito, tinanggihan ng Fiscal Incentives Review Board (FIRB) ang hiling na palawigin pa ang remote work arrangements na magtatapos sa Marso 31. Sa halip, iniutos sa mga BPO workers ang balik-on-site duties simula sa Abril 1.

Ayon sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA), iaapela nila ang desisyon ng FIRB.

Sinabi ng Department of Finance (DOF), ang parent agency ng FIRB, na maaari namang ipagpatuloy ng mga IT-BPO companies na nasa economic zones ang WFH setup. Pero mawawala ang kanilang tax incentives tulad ng income tax holidays at 5% tax on gross income sa kanilang kita.

Ayon kay David, dapat suriin ng IT-BPO firms ang halaga ng mawawala sa buwis kumpara sa mawawalang mga tauhan.

Gayunman, sinabi ni David na may mga kompanya na pinayagan ang mga manggagawa nila na magpatuloy sa WFH setup.

Ayon kay Lara Melencio, kasama rin sa ACCW, mayroong apat o limang IT-BPO firms ang nagpasyang isuko ang kanilang tax incentives para mapayagan ang kanilang mga kawani sa magpatuloy sa WFH setup.

“We urge the Department of Finance, mainly FIRB, to reassess their goals and how it will affect the estimated 1.3 million Filipinos when it comes to this decision,” pakiusap niya.

“It’s inhumane how we are being treated as mere numbers that provide results. We are appealing to [you to] give us enough time for transition and give us the choice to either work from home or work from the office,” sabi pa ni Melencio.— FRJ, GMA News