Tinanggal sa puwesto ang acting Laguna Police Provincial Director matapos maiugnay ang kaniyang pangalan sa imbestigasyon ng mga nawawalang sabungero.

Sa pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Colonel Jean Fajardo, na inalis kaninang tanghali sa kaniyang puwesto bilang Laguna Police Provincial Director si Police Colonel Rogarth Campo.

Ayon kay Fajardo, inilipat si Campo sa personnel holding administrative unit ng PNP-Directorate for Personnel and Records Management in Camp Crame.

Ang pag-alis kay Campo sa puwesto ay kasunod ng mga isiniwalat ni gaming tycoon Atong Ang sa imbestigasyon ng Senate committee on public order and dangerous drugs, tungkol sa nasabing opisyal ng PNP-Laguna.

Sinabi ni Ang sa pagdinig ng Senado na si Campo umano ang dating humahawak ng mga kaso niya ng ilegal na sabong.

Nagsalita pa umano si Campo na ipadukot na ang mga taong sangkot sa ilegal na gawain sa sabong.

Hindi naman matandaan ni Campo na sinabi niya ang naturang pahayag.

Maaari umanong “slip of the tongue” ang kaniyang nasabi.

Ayon kay Fajardo, ang pag-alis kay Campo sa puwesto ay para matiyak na hindi maiimpluwensiyahan ang isinasagawang imbestigasyon tungkol sa mga nawawalang sabungero.

Limang pulis din ang itinuturong sangkot sa pagdukot at pagkawala ng isang e-sabong master agent sa San Pablo City, Laguna.

--FRJ, GMA News
https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/balita/825819/ilang-pulis-suspek-sa-pagkawala-ng-isang-master-agent-sa-online-sabong/story/