Sinusulit ng isang pamilya sa Canada ang pagta-travel sa buong mundo para makapag-ipon ng masasayang alaala, bago pa tuluyang mabulag ang tatlo sa apat na anak dahil sa pambihirang kondisyon.

Sa ulat ng State of the Nation, sinabing tatlong taong gulang ang panganay na anak nina Edith Lemay at Sebastien Pelletier na si Mia, nang mapansin nilang tila may problema ito sa paningin.

Dumaan pa ang ilang taon bago nasuri si Mia ng espesyalista at ma-diagnose na may retinitis pigmentosa, isang rare genetic condition kung saan unti-unting nawawalan ng paningin hanggang sa tuluyang mabulag ang isang tao.

"It took me a long time to tell her, I didn't know if I should tell her because she was so young and some people were saying 'Let her be a kid, let her be carefree,'" sabi ni Edith.

Pero dumating ang isang araw na si Mia na mismo ang nagtanong tungkol sa kaniyang kondisyon.

"I told her, 'You do know that you're gonna be blind when you're an adult.' And then she just paused for a minute and said 'Oh, it's not fun,'" kuwento ni Edith.

Hanggang sa mapansin nina Edith at Sebastien na lumalabo rin ang paningin ng mga anak nilang sina Colin, 7-anyos, at Laurent, 5-anyos.

Taong 2019 nang makumpirmang may kaparehong genetic disorder na tulad sa kanilang ate sina Colin at Laurent.

Tanging ang 9-anyos lamang na si Leo ang walang genetic disorder.

"The diagnosis, it's terrible, it's devastating. You really go through a grieving process. At first you don't really think it's true, you think it's a mistake, and then you're angry and sad. And at some point you have to come to peace with it and accept it, and that's when you can move forward," sabi ni Edith.

Bago pa tuluyang mabulag ang kanilang mga anak, sinunod nina Edith at Sebastien ang suhestiyon ng kanilang doktor na bigyan ang mga bata ng visual memories o magagandang alaala sa pamamagitan ng paglibot sa buong mundo.

Sa loob ng anim na buwan, nakapaglibot na ang pamilya sa anim na lugar sa Southern at Eastern Africa, Middle East, East Asia at Southeast Asia.

"They're kids, they're really excited, they love traveling, they love discovering new things," ani Edith.

Huminto muna sa pag-aaral ang mga bata sa kasalukuyan, at ang kanilang mga magulang muna ang nagtuturo sa kanila ng basic French at Math habang sinusulit nila ang kanilang travel.

Nagbitiw din muna ang mag-asawa sa trabaho.

"It's really hard and it's normal to be devastated and to be angry. But if you accept that everybody has a different path and that your child has, it's not a curse, it's not something terrible. It's just a different path that's gonna make your child a better person," sabi ni Edith. —LBG, GMA News