May saksak sa leeg at walang saplot pang-ibaba nang matagpuan ang bangkay ng isang 16-anyos na babae sa isang liblib at bakanteng lote sa Tanauan, Batangas. Ang suspek sa krimen, ang nobyo ng biktima.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkoles, sinabing nakita ang bangkay ng biktima dakong 11:00 pm sa Barangay Darasa noong Lunes.

Una raw nagpaalam ang biktima sa pamilya na may katatagpuin ng hapon noong Lunes pero hindi na siya nakauwi kinagabihan.

Nang gabi rin iyon, dumating sa bahay ng biktima ang 21-anyos na nobyo nito, at sinabing alam niya kung nasaan ang dalagita dahil sa tracking umano ng cellphone.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Apolinario Lunar, hepe ng Tanauan City Component Police Station, itinuro ng suspek ang kinaroroonan ng biktima.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng pulisya, nakita sa palitan ng mensahe ng dalawa sa cellphone ang pag-aaway ng magkasintahan dahil sa lalaking nakilala ng biktima.

Naging suspek ang nobyo at kinalaunan ay umamin sa krimen.

Ayon sa suspek, nagdilim ang paningin niya nang saktan siya ng dalagita at gustong makipaghiwalay sa kaniya.

Sinakal umano nito, pinagsamantalan at sinaksak.

Labis naman ang sama ng loob ng lola ng biktima sa sinapit ng kaniyang apo na inilarawan niyang napakabait na bata.

Mahaharap sa reklamong murder ang suspek.-- FRJ, GMA Integrated News