Kaniya-kaniyang diskarte ang ilang delivery riders para makapaghatid ng mas maraming parcel o produkto upang madagdagan ang kanilang kita ngayong kapaskuhan.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita ang diskarte ni DJ Loyola, na pinagpapatong-patong sa kaniyang motorsiklo ang ihahatid na mga produkto.

Makatatanggap kasi siya ng P5 incentive kada parcel kapag sumobra na sa 50 ang kaniyang delivery sa isang araw.

Tinatayang P500 kada araw ang kinikita ni Loyola pero nababawasan ito bunga ng gastos niya sa pagkain at krudo na umaabot sa kabuuang P200.

Si Nestor Libungan Jr. naman,  kasama na sa pagdedeliber ang kaniyang asawa. Umaabot ng hanggang 12 oras ang kaniyang paghahatid ng mga produkto para kumita ng mas malaki.

At para makatipid sa gastos, kung minsan ay "tokneneng" na lang ang kanilang kinakain.

Sa kanilang trabaho sa kalye, kaakibat nito ang panganib na maaksidente, at mabiktima ng mga manloloko o fake deliveries.

Kaya naman suportado nila ang mga panukalang batas na nakabinbin sa Kamara de Representantes na naglalayong maproteksyunan ang mga delivery riders sa bansa.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News