Pinatunayan ng isang dating kitchen helper na kayang kaya umasenso sa buhay kapag nagsikap at nagtiyaga. Ito ang 41-anyos na si Wilbert Ramos, na may-ari ngayon ng sikat na walastik pares.

Sa programang “iJuander," sinabing matatagpuan ang The Original Walastik Pares ni Kabayan Wilbert sa Makati City.

Ayon kay Wilbert, nitong nakaraang taon nang tuluyang pumatok ang kanyang walastik pares.

Dito na raw siya nakaipon para makapagbukas ng sariling pwesto sa naturang lungsod.

“Ang importante lang sa pagluluto kailangan masaya ka eh. Nasa puso mo ang pagluluto mo para maging masarap ‘yan. Basta ‘yung tinatrabaho mo, enjoy mo lang para ka masaya,” sabi ni Wilbert.

Kakaiba sa karaniwang pares na baka ang pangunahing sahog, ang walastik pares ay nilalagyan din ng samu't saring lamang loob.

Sa halagang P60 may walastik pares ka na at fried rice.

Pero para mas espesyal, puwedeng magpadagdag ng tumbong, isaw, atay o mata ng baka na nasa P50 hanggang P80 ang presyo.

“Inisip ko medyo i-upgrade naman. Bale inisip ko na lagyan ng tumbong, mga lamang loob,” ani Wilbert.

Panoorin sa video ang kuwento ni Wilbert at matuto kung paano magluto ng walastik pares. —VBL, GMA Integrated News