AGDANGAN, Quezon - Dead on the spot ang isang motorcycle rider makaraan itong sumalpok sa kasalubong na private van sa highway na sakop ng Barangay Salvacion, Agdangan, Quezon.

Nangyari ang aksidente dakong 8:30 nitong Linggo ng umaga.

Ang biktima ay kalahok sa isang motorcycle endurance challenge ng bayan ng Guinayangan, Quezon.

Pabalik na raw sana ang rider sa lugar na pinagmulan ng kompetisyon nang mangyari ang aksidente.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng Agdangan Municipal Police Station na nag-overshoot ang motorsiklo at sumalubong sa linya ng kasalubong na van na naging dahilan para masalpok ito.

Wasak ang motorsiklo sa lakas ng salpukan.

Bumukas naman ang airbag ng van kung kaya’t nakaligtas ang pasahero at driver nito.

Wala pang pahayag ang driver ng van.

Nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa pangyayari. —KG, GMA Integrated News