Nasawi ang isang lalaki matapos siyang barilin sa ulo habang natutulog madaling araw ng Miyerkoles sa Ermita, Maynila. Ang posibleng dahilan ng pamamaril, ang kaniyang pagiging saksi sa isa pang insidente ng pamamaril.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, kinilala ang biktima na si William Lloyd Fernandez, 36-anyos, na dead on the spot.

Nangyari ang insidente sa Riverside Drive sa gilid ng McArthur Bridge pasado 4 a.m.

Ayon sa kaniyang kinakasama, natutulog sila kasama ang anak ngunit nagising sila nang makarinig ng putok ng baril.

Sinabi ng isang saksi na nakasakay sa motorsiklo ang suspek na nakasuot ng brown na jacket at shorts, bago bumaba at nilapitan ang biktima.

Sinabi ng mga kaanak ni Fernandez na wala siyang mga nakakaaway, pero inilahad ng pulisya na posibleng may kinalaman ang pagiging saksi ni Fernandez sa insidente ng pamamaril noong nakaraang buwan.

Isang basyo ng bala ang nakuha ng mga tauhan ng SOCO sa pinangyarihan ng insidente.

Patuloy na inaalam ng Manila Police District kung may CCTV sa lugar na posibleng nakunan ang krimen. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News