Humandusay sa bangketa ang isang estudyanteng babaeng naglalakad sa bangketa matapos masalpok ng kotse sa Maynila.

Nahuli-cam ang pangyayari, at batay sa ulat sa Unang Balita ni Darlene Cay nitong Miyerkoles, habang naglalakad ang biktima sa bangketa sa Dapitan St., Sampaloc, Manila, bigla nalang siyang nasalpok ng isang pulang kotse.

Tumilapon ang biktima sa lakas ng impact ng pagkabundol. Hindi siya makagalaw nang lapitan siya ng driver ng kotse at mga rumesponde.

Agad na isinugod ang biktima sa ospital.

Ayon sa report ng Manila District Traffic Enforcement Unit, nagtamo ng mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan ang 22-anyos na college student.

Sa salaysay ng driver, nag-malfunction daw ang kotseng minamaneho niya.

Nagkasundo ang dalawang panig, at nangako ang driver na sasagutin ang medical expenses ng biktima. —LBG, GMA Integrated News