Isang estudyante ang nagkusang dumulog sa lokal na pamahalaan para maipaayos ang ilang sira o burado nang bahagi ng sidewalk at pedestrian crossing sa kahabaan ng Katipunan Avenue sa Quezon City. Ang mag-aaral, nagalak sa agarang pagresponde ng mga awtoridad.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa State of the Nation nitong Biyernes, sinabing madalas tawiran ng mga estudyante ang Rosa Alvero Street at F. Dela Rosa Street sa kanto ng Katipunan Avenue dahil malapit sa malalaking unibersidad.
“Nakikita ko po ‘yung mga tao, may [mga] PWD din po na medyo nasasagabal dahil sa kondisyon ng sidewalks. Tapos din po kapag papasok po sila ng streets galing sa avenue, medyo mabilis ‘yung daan ng mga kotse,” sabi ng graduating student na si Francis Caiga.
Kaya dumulog si Caiga sa Quezon City LGU para iparating ang kawalan ng pedestrian lane sa Rosa Alvero at ang nabura naman sa F. Dela Rosa.
Mabilis naman ang naging tugon ng Quezon City LGU.
“Nag-DM po ‘yung QC Engineering sa Twitter. And then finollow (follow) up po nila. And then after some days lang po, tinawagan at tinext ako ng isang official,” sabi ni Caiga.
Pagkalipas ng pitong araw, nalagyan ng pedestrian lanes ang dalawang kalsada.
Kinukumpuni na rin ng Quezon City Engineering Department ang sidewalk sa kanto ng Katipunan Avenue na kasama sa hiniling ni Caiga.
“Minsan po ang iniisip natin ang LGU hindi talaga sasagot or medyo matatagalan. Nagulat din po ako na ganu’n kabilis rumesponde ‘yung QC LGU,” sabi ni Caiga.
Bukas sa lokal na pamahalaan ng Quezon City ang pagpapadala ng requests sa mga dapat ayusin sa lungsod.
“Napakahalaga po dahil nalalaman din po namin ‘yung mga ibang nagiging depekto lalong lalo na ang laking bagay po nito dahil sa safety po ng public at mga estudyante along Katipunan Avenue,” sabi ni Engr. Ian Uchi ng Quezon City Engineering Department.
Samantala, pinaplano naman nina Caiga at ng kaniyang mga kaibigan na bumuo ng sistema upang ipunin ang mga reklamo tungkol sa pedestrian lanes at sidewalks para maipadala ito sa Quezon City LGU. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News