Isang Chinese na sisilbihan sana ng tatlong warrant of arrest ang pumalag, nakipaghabulan, at nakipagbarilan sa Philippine National Police Anti-Kidnapping Group mula Makati hanggang sa Taguig City.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood ang aktuwal na pagdakip ng pulisya sa suspek sa loob ng kaniyang kotse matapos ang engkuwentro sa Bonifacio Global City.
Isinakay ang suspek na Chinese sa ambulansiya at dinala sa ospital.
Bago ang barilan, isisilbi sana ng PNP-AKG ang mga warrant of arrest sa Makati City para sa mga kasong deceit, resistance and disobedience to an agent of a person in authority, at unjust vexation.
Ngunit pumalag ang dayuhan at pinaputukan ang pulisya, na humantong sa habulan.
Tumawag din ng backup ang PNP-AKG sa Taguig City Police.
"Nagkameron ng chase. It's a running gun battle. And before that maraming sasakyan ang tinamaan na na-damage nila. And they end up here in the circle. Dito sila na-corner," sabi ni Taguig chief of police Police Colonel Robert Baesa.
Kasalukuyang nasa ospital ang suspek, na bantay-sarado ng pulisya dahil may mas mabigat umanong kaso na nakasampa sa kaniya.
Hindi pa nakukunan ng pahayag ang suspek.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News