Sasampahan ng kasong qualified human trafficking at child abuse si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Sa pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni Remulla na inaprubahan ng Department of Justice (DOJ) ang petition of review na inihain ng kampo ng biktima kaugnay sa reklamong isinampa noong 2011, pero naunang ibinasura ng Office of the City Prosecutor ng Davao City.

Pero pagkatapos ng ginawang pagsusuri, inatasan ng DOJ ang Davao City Prosecutor's Office na isampa ang kasong sexual abuse laban kay Quiboloy, kaugnay sa paglabag sa Republic Act 7610 o “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”

Sa Pasig City court naman isasampa ang reklamong qualified trafficking case.

“Pinag-aralan namin nang husto at ang lumalabas talaga rito, meron talagang kailangang panagutan si Pastor Apollo Quiboloy at ang kanyang mga kasama, sa isang complainant, sa isang nagrereklamo nung panahon na ‘yun ay may edad na 17-anyos nung nangyari ang krimen,” ayon kay Remulla.

Hihilingin din ng DOJ sa Korte Suprema na ilipat sa Manila ang pagdinig sa kasong isasampa sa Davao, kung saan nagmula si Quiboloy, at kilalang kaalyado ng mga Duterte.

“Dahil nga may problema sa Davao at maraming po roon pananakot na nagaganap at maraming po nagkaalinlangan, ay minabuti namin at talagang nakaplano na na hingin sa Korte Suprema na ilipat ang venue ng kaso ito dito sa Manila at mag-appoint na lang na special panel of prosecutors,” sabi ni Remulla.

Sinabi rin ni Remulla na pinirmahan niya ang isang precautionary hold departure order laban kay Quiboloy, at inatasan ang Bureau of Immigration na huwag payagan ang spiritual leader na lumabas ng Pilipinas.

Nagsasagawa ng magkahiwalay na imbestigasyon ang Senado at Kamara de Representantes tungkol kay Quiboloy.

Sinisiyasat ng mga senador ang tungkol sa umano'y pang-aabuso na ginawa sa ilang dating miyembro ng KOJC, habang tinatalakay naman ng mga kongresista ang prangkisa ng Swara Sug Media Corporation, ang legal operating name ng Sonshine Media Network International, na broadcast media arm ng KOJC.

Dahil hindi sinisipot ni Quiboloy ang mga pagdinig, naglabas ng subpeona ang Senado at Kamara, laban sa kaniya.

Dati nang itinanggi ni Quiboloy ang mga paratang at iginiit na sa korte lang niya sasagutin ang mga alegasyon laban sa kaniya.

Nitong Lunes, nagtipon-tipon naman ang mga tagasuporta ni Quiboloy sa Liwasang Bonifacio sa Manila at nasagawa ng prayer rally.

“Freedom of assembly ‘yan. Wala tayong magagawa diyan. Exercise of religious freedom, isa pa ‘yan… Kung kailangan pong bantayan sila at paprotektahan, gawin natin para walang mangyaring kaguluhan,” ayon kay Remulla. —FRJ, GMA Integrated News