Nasawi ang isang 86-anyos na lalaki na tumatawid nang masalpok siya ng isang motorsiklong may sakay na dalawang menor de edad sa Tondo, Maynila. Ang biktima, pauwi na matapos magsimba.

Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente noong Mayo 12, habang tumatawid ang biktimang si Benjamin Nido sa Kapulong Road na sakop ng Barangay 151 dakong 9:30 p.m.

Makakatawid na sana ang senior citizen ngunit bigla siyang nabangga ng isang motorsiklo.

Tumilapon ang biktima, saka sumadsad at tumama sa nakaparadang motorsiklo na bumagsak pa sa kaniya.

Sinabi ng kinakasama ni Nido na si Soledad Pacia, na nagsimba ang biktima sa Quiapo at pauwi na sana sa kanilang bahay.

Naisugod pa si Nido sa ospital ngunit binawian din ng buhay.

“Sinabi ng doktor, ang balakang niya ay bali-bali. Tapos 908 na rings na nadurog, nabali. At ‘yung dibdib, napipi. Sabi ng doktor na mayroong tama sa ulo na siyang naging 50-50 ang [buhay] niya,” sabi ni Pacia.

Humandusay rin sa kalye ang dalawang sakay ng nakabanggang motorsiklo na parehong menor de edad, na nagtamo ng mga sugat sa iba't ibang bahagi ng kanilang katawan.

Parehong walang suot na helmet ang mga menor de edad, na bibili sana ng cake para sa Mother's Day.

Sinabi ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), na nagkaroon ng kasunduan ang magkabilang panig na sasagutin lahat ng kamag-anak ng mga suspek ang mga gagastusin sa burol hanggang sa mailibing ang biktima.

May lisensya ang rider na kakakuha lang noong Disyembre ng nakaraan taon.

Kahit nagkaareglo, ipapasa ng MDTEU ang report sa LTO para mabigyan ng administrative sanction ang rider ng motor.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News