Binaril at pinatay ng isang 16-anyos na lalaki ang kaniyang ama't ina na umampon sa kaniya, pati ang isa niyang kapatid na babae, sa loob ng kanilang bahay sa Sao Paulo, Brazil. Ang suspek, nagalit umano nang itago ang kaniyang cellphone.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing nangyari ang krimen noong Biyernes pero nagkaroon lang ng linaw noong Lunes nang tumawag at umamin sa krimen ang suspek.

Ayon kay chief investigation Roberto Afonso, labis na nagalit ang suspek nang itago ng kaniyang mga magulang ang kaniyang cellphone matapos na magkaroon sila ng pagtatalo.

Ikinumpisal umano ng binatilyo na kinuha niya ang baril ng kaniyang 57-anyos na ama na isang pulis at binaril niya ito sa likod.

Kasunod nito ay umakyat siya sa bahay at binaril sa mukha ang kapatid niyang babae na 16-anyos.

Nang mangyari ang pamamaril, wala pa noon ang kaniyang ina na 50-anyos.

Nang umuwi ang ina makaraang ang ilang oras, binaril din niya ito.

Walang natanggap na impormasyon ang pulisya nang araw na iyon. Kinabukasan ng Sabado, galit pa rin umano ang suspek at sinaksak pa niya ang kaniyang ina kahit patay na ito.

Nanatili ang suspek sa bahay kasama ang bangkay ng tatlong biktima hanggang sa maaresto siya noong Lunes.

"We need to understand if this was frustration related to some sort of psychological disturbance," sabi ni Afonso sa Brazilian network TV Record.

Aalamin din ng mga awtoridad kung may iba pang sangkot sa krimen, o kung may nakausap ang binatilyo bago mangyari ang pagpatay.

Nasa juvenile detention center ang suspek, na protektado ng kanilang batas na nagsasaad na hindi maaaring isakdal na katulad ng mga "adult" ang menor de edad na nagkasala sa batas. — mula sa ulat ng AFP/FRJ, GMA Integrated News