May pabuyang matatanggap na P5 milyon ang sino mang makapagbibigay ng impormasyon sa pulisya para sa ikadarakip ng isang babaeng suspek sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at driver niyang si Armanie Pabillo.Sa press briefing nitong Miyerkoles, kinilala ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, ang suspek na Chinese national na si Wenli Gong, na kilala rin bilang Kelly Tan Lim, Bao Wenli, Axin, at Huang Yanling.“Naglagay na po tayo ng P5 million reward for any information that will lead to the possible location and whereabouts of Kelly,” ani Fajardo.Galing umano sa isang concerned citizen ang naturang pabuya, ayon kay Fajardo.Ayon sa PNP official, si Kelly ang naghikayat kay Que na magpunta sa isang apartment sa Bulacan kung saan sila binihag ng kaniyang driver.Si Kelly din umano ang nakipag-ugnayan sa pamilya ni Que para makakuha ng ransom.Lima ang tinukoy ng PNP na suspek sa krimen, kabilang ang mga naarestong sina David Tan Liao, Richardo Austria, at Reymart Catequista. Habang hinahanap pa sina Jonin Lin at Kelly.Dalawa pang Chinese nationals sa Boracay ang iniimbestigahan dahil sa posibleng may kinalaman din sila sa nangyaring krimen.Ayon kay Fajardo, nasa P200 milyon ang ransom na ibinigay ng pamilya sa mga kidnapper bilang ransom na ipinadala by batches sa casino junket operators.Limang tao ang tumanggap sa pera bago inilipat sa cryptocurrency. Dalawa sa kanila ang nasa kustodiya ng mga awtoridad.Pinag-aaralan ng pulisya ang pananagutan ng casino at junket operators sa nangyaring transaksiyon.Pagdawit sa anak ni QueNitong Martes, iniulat na idinadawit ng isa sa mga naarestong suspek ang 42-anyos na anak ni Que na si Ronxian Gou o Alvin Que, sa naturang krimen.Ayon sa suspek na si David Tan Liao, si Alvin umano ang nagpadukot at nag-utos na patayin ang sariling ama. Si Alvin din umano ang nakipag-usap sa mga suspek at nahatid ng bahagi ng ransom.Para malaman ang katotohanan sa alegasyon ng suspek, hiniling ng PNP- Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa Department of Justice (DOJ) na isama sa preliminary investigation si Alvin.Hindi naman nagustuhan ng Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO) ang paglabas ng extrajudicial confession ng suspek na si Liao.“Why is the word of a notorious criminal the sole source of your evidence? Why did Alvin Que become a person of interest only on the word from Liao, a known kidnapper and gun for hire responsible for the deaths of more than a dozen kidnap victims?” ayon sa pahayag ng MRPO.“Where is the investigation that corroborates Liao's claim? Are there other people who affirm this single statement? Where is the physical and/or digital evidence that supports the claim that the son is involved?” dagdag nito.Ayon sa MRPO, isinumite ni Alvin at asawa nito ang kanilang cellphone sa PNP para suriin kahit pinayuhan umano ng kanilang mga abogado ang dalawa na huwag itong gawin.“The preliminary investigation revealed no information. Yes, the result is preliminary, but it already counters and does not support the initial statement made by Liao,” sabi pa ng MRPO.Aminado naman ang PNP na walang ebidensiya sa ngayon na nagdadawit kay Alvin sa nangyari sa kaniyang ama at sa driver nito.Gayunman, sinabi ni Fajardo na hindi nila maaaring balewalain lang ang alegasyon.“We cannot just turned a blind eye doon sa mga allegations po niya,” ani Fajardo. “That is the reason why dinaan namin sa preliminary investigation so the family can submit contrary evidence to prove na hindi totoo.”Hindi rin umano inaalis ng PNP ang posibilidad na nagsisinungaling si Liao para pagtakpan ang iba o ang kaniyang sarili bilang posibleng utak sa krimen.Abril 9 nang makitang patay sina Que at kaniyang driver sa gilid ng kalsada sa Rodriguez, Rizal.-- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News