Hinuli ang isang 13-anyos na estudyante matapos siyang manaksak ng isang 11-anyos na kamag-aral sa isang paaralan sa Davao City.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa video na pinalibutan ng pulisya ang nanaksak na estudyante, na may hawak noong kutsilyo.
Tinangka pa siyang pakiusapan na isuko ang kutsilyo ngunit hindi pumayag ang mag-aaral kaya umaksyon ang pulisya at inagaw ito sa kaniya.
Batay sa pulisya, ikinuwento ng 11-anyos na biktima na nagsusulat siya sa kanilang silid-aralan nang bigla siyang saksakin ng kapwa estudyante.
Nagtamo ng sugat sa likod ang biktima, na dinala sa ospital.
Nasa maayos nang kondisyon ang biktima.
Batay naman sa isang responder, sinabi ng guard na sinuri niya ang bag ng nanaksak na estudyante ngunit walang nakitang patalim.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pananaksak at inaalam din kung paano naipasok ang kutsilyo sa paaralan.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamilya ng mga sangkot sa insidente, pati ang paaralan. — Jamil Santos/VBL GMA News
