Ibinahagi nina Aiko Melendez at Onemig Bondoc ang kanilang love story sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong Miyerkules, na siya ring kauna-unahang panayam nila sa telebisyon bilang magkasintahan.

Makalipas ang 29 taon, muling nagkita at nagkatuluyan ang dalawa at ibinahagi nila kung paano nagsimula ang kanilang pag-iibigan.

Ayon kay Aiko, naghahanap siya noon ng magiging guest para sa kaniyang YouTube channel at iminungkahi ng kaniyang kaibigan na imbitahan si Onemig, upang mapag-usapan ang gagawin nitong pagbabalik sa showbiz.

Gayunman, nag-alinlangan noon si Aiko dahil batid niya na may sama ng loob sa kaniya ang aktor. Bukod doon, batid din ni Aiko na mayroong nobya noon si Onemig.

Pero dahil na rin sa mungkahi ng kaibigan, nagpadala si Aiko ng mensahe kay Onemig para mag-guest sa kaniyang Youtube channel subalit napakarami umanong idinahilan ang aktor upang hindi pumunta.

At pagkaraan ng dalawang taon, muling inimbitahan ni Aiko si Onemig na mag-guest sa kaniya.

Nang pumayag ang aktor, tinanong na rin niya ang aktres, kung ikakasal na ito.

“Out of nowhere, he asked me. Sabi ko, ‘Hindi, ano ka ba break na ‘ko. Tinawagan niya ako agad. Sabi niya, ‘Kumusta ka?,” kuwento ni Aiko.

At matapos na makumpirma ni Onemig na single na uli si Aiko, the rest is history ika nga.

Ayon kay Onemig, nagdalawang isip siya na tawagan si Aiko nang panahon na iyon pero parang may nagtulak sa kaniya na gawin iyon.

Walong buwan nang nagliligawan ang dalawa pero hindi sila nagkikita noong panahong iyon dahil nasa Amerika si Aiko at sa telepono lamang sila nagkakausap.

Nang gusto nang makita ni Onemig si Aiko, sinabi ng aktres na ayaw nilang maging rebound lang ang magiging ugnayan nila kung pupunta ang aktor sa kaniyang bahay.

Idinagdag ni Aiko na sinabi niya kay Onemig na nais niyang makasiguro sa nararamdaman niya para sa aktor.

Ayon din sa dalawa, annulled na ang kasal nila sa kani-kanilang dating partner.

Sinabi ni Onemig na 2021 natapos ang annulment sa kaniyang kasal.

Nitong nakaraang Pebrero nang isapubliko nina Aiko at Onemig ang kanilang relasyon. – Nika Roque/FRJ GMA News