Bago nagkabalikan at maging couple na ngayon, inilahad ni Onemig Bondoc na ‘di siya sinipot noon sa tagpuan at na-basted kay Aiko Melendez.

Sa kanilang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, ikinuwento ni Aiko na matagal na niyang iniimbita si Onemig para mag-guest sa kaniyang vlog sa Youtube.

Nang pumayag ang aktor, sumalang sila sa episode ng vlog na truth or dare. Kung sumagot si Onemig sa tanong, kailangang uminom ni Aiko ng alak.

Dito na inalala ni Onemig ang pambabasted na ginawa sa kaniya noon ni Aiko, na kanilang ibinahagi sa Fast Talk.

“Hindi ko akalain na aaminin niya na may isang artista… Kasi my question was, may artista na bang bumasted sa'yo? And I wasn't even thinking that, you know, he would be pertaining to me. Sabi niya, ‘Oo. 'Yung hindi ako sinipot sa Subic,’” kuwento ni Aiko.

Namula umano si Aiko sa sobrang nerbiyos sa sinabi ni Onemig, at uminom nang uminom ng shot. Winarningan ko siya, Tito-Ninong. Dapat pala winarningan ko ang sarili ko kasi ako ‘yung nalasing,” sabi pa ni Aiko.

“Sabi ko, ‘Promise, promise, aalagaan kita, sasaluhin kita.’ Ending, Tito-Ninong, 'yung portion namin, nalasing ako, ako 'yung hindi niya nasalo,” dagdag pa niya.

Di pagsipot ni Aiko sa Subic

Binalikan ni Onemig ang naging kasunduan nila ni Aiko noon na magkikita sa Subic, pero hindi siya sinipot ng aktres.

“Actually, kasi I was there for a triathlon race. Okay. So, sabi niya, ‘Sige, kita tayo doon.’ So, I was waiting for her… So, parang maggagabi na, wala pa siya. So, I waited three hours. 'yung mga friends ko, hindi alam kung sino ‘yung hinihintay ko. Wala, hanggang sa nauna na sila.”

Sa tagal, pinauna na ni Onemig ang kaniyang mga kaibigan.

“So, nandu’n na lang ako mag-isa. Wala dumating na Aiko Melendez,” natatawang sabi ng aktor

Ayon kay Onemig, ibabalik niya dapat ang tuwalya ni Aiko na naiwan nito sa kaniyang condominium.

“Kasi pumunta ako sa condo niya at that time. He was so depressed at that time. He needed someone. Kasi we were barkadas. We used to go out. We used to hangout, group kami. Puro lalaki sila. Kasi diba may pagka-boyish po ako, Tito-Ninong,” sabi ni Aiko, na idinagdag na “one of the boys” ang turing sa kaniya ni Onemig.

Matapos makinig sa kuwento ni Onemig, hiniling ni Aiko kung puwede siyang makiligo.

“Hindi ko alam from some strange reason, naiiwan ko 'yung tuwalya ko, na hindi ko na naalala,” anang aktres.

Dumating ang mga araw, naisip ni Onemig na ibalik ito sa kaniya.

“Sabi niya, ‘May isosoli ako sa iyo. Pero ‘pag sinoli ko ito sa iyo, wala nang balikan ha at wala nang hiwalayan,’” patuloy niya.

Ayon din sa dalawa, annulled na ang kasal nila sa kani-kanilang dating partner.

Sinabi ni Onemig na 2021 natapos ang annulment sa kaniyang kasal.

Nitong nakaraang Pebrero nang isapubliko nina Aiko at Onemig ang kanilang relasyon. – FRJ GMA News