Kabilang si Michael V. o Bitoy sa mga mapalad na nagkaroon ng pagkakataon na makaharap ang ilan sa mga bida ng inaabangang “Avengers: Infinity War” sa ginanap na presscon sa Singapore. Ang Kapuso comedy genius, may inihanda pang regalo sa mga Hollywood celebrity.

Sa panayam ni Lyn Ching, sinabi ni Michael V na bata pa lang ay talagang fan na siya ng mga superhero character at may mga kinokolekta na siya.

"Ang kinokolekta ko before mga comic book na nabibili sa Sta. Cruz. Ito yung mga nasa bangketa na wala nang cover," kuwento niya.

Si "Iron Man" na ginagampanan ni Robert Downey Jr. ang pinakaunang paborito raw niyang Marvel superhero.

Bagaman nakatakdang makaharap niya ang isa sa mga direktor ng pelikula na si Joe Russo, at mga bigating cast na sina Benedict Cumberbatch, na gumanap bilang si Doctor Strange; Karen Gillan, aka Nebula, lalo raw na-excite si Bitoy nang malaman niyang darating din si Robert pero hindi ito kasama sa mga nakakapanayam niya.

Ikinuwento rin ni Bitoy ang naging reaksyon nina Benedict at Karen nang ibigay niya ang ginawa niyang sketch ng dalawa.

"Nu'ng ko lang nalaman na parang nag-art school pala siya [Benedict] so parang mas lalo akong na-pressure," sabi ni Bitoy. "Pero dahil dun sa reaksyon niya [na] natuwa siya parang sulit na. Kung na-impress ko siya nang ganun at sinabi niya na dapat magpaturo siya sa akin parang, ok na ako."

Patuloy pa ni Bitoy, "Si Karen, napaano rin siya, napanganga rin sa sobrang tuwa. Siguro dahil magiliw yung tao eh. Mabait siya talaga."

Bagaman hindi niya makakapanayam si Robert, gumawa pa rin si Michael V ng sketch ng aktor na ipakikita niya sa red carpet sa pag-asang mapapansin siya ni "Iron Man."

At hindi naman nabigo si Bitoy dahil nagkaroon siya ng sandaling pagkakataon na makakuwentuhan ang Hollywood star kasama ang ilan pang nagpunta sa Singapore. -- FRJ, GMA News