Nagbigay ng paalala si Miss International 2013 Bea Rose Santiago sa publiko tungkol sa kanilang mga kinakain at iniinom na maaaring makaapekto sa kanilang bato o kidney, matapos siyang ma-diagnose ng chronic kidney disease (CKD).

Sa ulat ni Rhea Santos sa GMA News "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing nakaranas si Bea nang hirap sa paghinga at pamamanas ng mga binti noong una, na akala niya ay migraine lamang.

Dahil dito, nagpatingin siya sa ospital.

"I was confined here for four, almost four days. Kaya nila ako napauwi last week kasi 'Okay ka na o normal. Bye!' The next few days na nag-CBC ako ulit. Nagpa-set ako ng schedule with Dr. Cabral for, siyempre 'yung follow up. And then nabigla siya 'di na bumababa, umakyat ulit 'yong creatinine number ko," saad niya.

Ang creatinine ay dumi na nalilikha ng muscle tissue, na sinasala ng bato o kidney at inilalabas sa pamamagitan ng pag-ihi.

Maaaring makasama sa kidney kapag mataas ang antas ng creatinine sa katawan ng tao.

Ayon kay Dr. Brian Michael Cabral, isang nephrologist, ang creatinine ang ginagamit na basehan upang malaman kung ang isang tao ay may problema sa bato.

Paglalahad ni Bea, uminom din siya ng pre-workout drinks bukod sa regular exercise para mapanatiling kondisyon ang kaniyang katawan.

"I just increased the intensity of my workout and I took a little bit of help from you know mga powders. It added up because when I look up the pre-workout ang taas ng creatinine numbers but aside from that I also have history of bad kidneys. I had kidney problems before," anang beauty queen.

Ibinahagi ni Bea sa kaniyang Instagram account ang kaniyang mga payo sa mga health buff sa kanilang mga iniinom at kinakain, lalo pa sa mga tulad niyang may history ng sakit sa bato.

"I took a photo of the diet plan for chronic kidney disease patients. But that doesn't mean I am. Because I want people to see what I'm going through so 'yun ang mga nakuha kong information so I wanna share it. Ganun ang diet ko," pahayag niya.

Patuloy ang mga doktor na inoobserbahan at tinutukoy ang estado ng kondisyon ni Bea.

Payo ni Dr. Cabral, makabubuting kumonsulta sa mga espesyalista bago pa man uminom ng mga supplements at pre-workout drink.

"Siguraduhin mo muna 'yong baseline para at least alam mo kung ano ang status mo ngayon. Bago mo simulan lahat ng bagay na 'yan," sabi ni Dr. Cabral.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News