Inaresto ng Makati police ang aktor na si Migo Adecer nitong Martes ng gabi matapos umanong makasagi ng dalawang empleyado ng Metro Manila Development Authority (MMDA).  Ayon sa abogado ng aktor, hindi nito alam na mayroon siyang nasagi.

Sa ulat ng GMA News "Saksi," sinabing batay sa police report, hindi kaagad sumuko si Migo kaya hinabol pa siya ng mga awtoridad.

Nasukol kinalaunan si Migo pero tumanggi pa raw ito noong una na isuko ang kaniyang lisensya.

Iniatras pa raw ng aktor ang kaniyang kotse kaya nabangga naman niya ang isang police mobile.

Makaraang ang ilang minutong usapan, sumama na ang aktor sa mga pulis.

Nagpapagaling naman sa ospital ang dalawang biktima.

Ayon sa pulis, tila nakainom umano ang aktor pero isasailalim pa rin nila ito sa pagsusuri.

Samantala, sinabi ni Attorney Maggie Abraham, abogado ni Adecer, na hindi alam ng aktor na mayroon siyang nasagi at hindi rin nito alam na hinabol na siya ng mga pulis.

"Hindi raw niya alam na may na-sideswipe siya kaya dire-diretso lang siya at hindi rin niya alam na may humahabol sa kaniyang pulis," paliwanag ni Abraham.

Tungkol sa iba pang alegasyon laban kay Adecer, sinabi ni Abraham na hindi pa niya lubos na natatanong ang aktor dahil sumasailalim pa ito sa ilang proseso.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News